ABS-CBN News
Para matiyak na hindi malilimutan ng mga susunod na henerasyon ang trahedya ng pagsabog ng bulkang Pinatubo noong Hunyo 15, 1991, at ang lahar mula ng taong iyon hanggang 1995, itinayo ang maituturing na unang Pinatubo Memorial Marker sa Pampanga.
Inisyatibo Ito ng Center for Kapampangan Studies ng Holy Angel University sa Angeles City. Sa loob mismo ng nasabing paaralan makikita ang marker.
Nakalagay sa marker ang mga katagang, “Nawa’y lagi nating alalahanin ang ating dinanas. Nawa’y lagi nating ipagdiwang na tayo ay nagtagumpay”. Paalala umano ito sa katatagan ng bawat Kapampangan.
“No one in the history of the world has experienced the combination of calamities, earthquake, volcanic eruptions, day turning into night, rain of ash, sand, pebbles and water, and then the devastating lahar. It’s a combination of all of those in one experience… It has never been seen before or after yung the confluence of forces of nature in one night. And we experienced that. It’s like armageddon as former president Gloria Arroyo described it,” sabi ni Robby Tantingco ng Center for Kapampangan Studies.
Itinayo ang marker sa tabi ng 3,000-taong gulang na sanga ng punong kahoy na natagpuang nakabaon sa tabi ng Abacan River sa kasagsagan ng pagputok ng Mount Pinatubo.
Muli ring binuksan ang Pinatubo Museum sa unibersidad, ang tanging museo sa bansa na nakatuon sa kasaysayan ng isang bulkan.
“Anyone who is 32 years and below has no experience of Pinatubo. Imagine, adult ka na, 30 years old ka na, hindi niyo man alam ang Pinatubo… It’s the biggest thing that ever happened in the history of Pampanga – bigger than the revolution, bigger than all the wars that went through, bigger than all of those,” sabi ni Tantingco.
“We thought that Kapampangans were going to be wiped out from the face of the earth literally. Pero here we are, not only surviving but also thriving and becoming better than ever before,” dagdag niya.
Isa ang bayan ng Porac sa halos mabura na rin sa mapa ng Pampanga sa pagputok ng Pinatubo. Sa anibersaryo ng pagputok ngayong araw, binuksan ang isang photo at art exhibit sa Bay Walk sa Barangay Cangatba.
Sa ganitong paraan maaaring balikan ng mga residente ang pait ng trahedya at ang lakas ng loob ng bawat isa para malagpasan ito.
Ang dating delubyo ng lahar ay napapakinabangan na ngayon at itinuturing na napakalaking biyaya sa anyo ng quarry industry, hindi lang sa Porac kundi sa buong Pampanga.
Nagsagawa rin ng art workshop ang lokal na pamahalaan ng Porac para sa mga residente, gamit ang balas o buhangin na mula sa lahar, na maari ding magsilbi bilang dagdag na kabuhayan.
– ulat ni Gracie Rutao
MULA SA ARCHIVE